Dapat SMP! (Pasko Edition)



Malamig na ang simoy ng hangin, kumikislap ang mga makukulay na dekorasyon sa paligid. Sari-saring mga disenyo ng krismas tree sa bawat lugar at mga tahanan. Malapit na't paparating.. PASKO na!



Pasko na naman. Tila kaybilis ng panahon. Parang kailan lang yung nakaraang pasko heto na namang muli ang pagdiriwang na pinakahihintay ng lahat.Nariyan ang pangangaroling o pagkanta ng mga himig-pamasko sa mga kalapit-bahay tuwing sasapit ang gabi. Marahil rin na (sa mga naniniwala pa) inaabangan na ang pagdating ni Santa Claus. (Pero para sakin ang totoong Santa Claus talaga eh ang mga ninong at ninang o sila mommy, daddy, tito, tita, ate o kuia na patagong naglalagay ng mga regalo sa ilalim ng krismas tree..hihi!) Excited na rin ang lahat sa nalalapit na Simbang Gabi bilang siyam na araw na paghahanda bago sumapit ang araw ng Pasko.


Uso na naman ang kabi-kabilang pagpaplano para sa christmas party, family reunion at kung anu anu pang get-togethers. Marami ng mga christmas sale sa lahat ng malls na ilan sa mga yun ay bukas magpahanggang hating gabi. Syempre, bentang benta rin ang mga paninda sa mga tiangge at bazaars na lubhang nakakaengganyo dahil bukod sa marami ka ng mabibili, nandun din yung enjoyment at malamig na simoy ng hangin na nagsasabing Pasko na nga! Kagulo ang mga tao sa bawat panig ng mundo, labis na abala sa pamimili at pagbabalot ng mga regalo para sa kanya-kanyang mga minamahal na pamilya't kaibigan.


Malinaw na ang tradisyong ito ay pagpapalitan ng regalo at pag-eenjoy dahil bakasyon. Para naman sa mga kabataan, ito ang panahon para mamasko sa ating mga ninong at ninang.


Ngunit ano nga ba ang tunay na diwa ng Pasko?

Ang tunay na diwa ng Pasko ay ang pag-alala sa tunay na bida ng araw na to, walang iba kundi si Hesus. Siya ang pinakamahalagang regalo para sa ating lahat. Siya ang nagbigay ng dahilan para sa pagdiriwang na ito, sa masasayang sandali at sa mga biyayang ating natatanggap. Siya na kasama natin sa bawat sandali ng ating buhay. Sa lahat ng mga pagsubok na ating pinagdadaanan at tagumpay na natatamo. Siya yung nariyan sa lungkot man at saya at sa mga panahong akala natin ay wala ng sumusuporta sa atin.


Paano nga ba natin maisasabuhay ang tunay na diwa ng Pasko? 

 Para sakin, Dapat SMP!


Sana May Pag-ibig
Ang pagsasama-sama ng buong pamilya ay isang napakagandang larawan ng pag-ibig. Time at atensyon - yang ang pinamahalagang regalong hindi natin dapat kaligtaan na ipamahagi sa ating mga mahal sa buhay at gayundin sa ating kapwa. Sa pamamagitan nito ay higit na maipapakita at maipapadama natin ang ating labis na pagmamahal. Sabi nga sa kanta, "Give Love on Christmas Day" ngunit siyempre hindi lamang sa araw ng Pasko kundi sa bawat sandali ng ating buhay.


Sana May Pagkakaisa
Batid sa lahat na maraming hindi magagandang mga nangyayari, mga alitan at kabi-kabilang hidwaan sa bawat panig ng mundo. Gayundin, ang mga hindi nagkakasundo dahil sa iba't ibang pananaw.  Eto na siguro yung tamang panahon para buksan ang ating puso para magpatawad sa mga taong nakasakit sa atin. Siguro may ibang hindi kumbinsido sa pagpapatawad na yan. Marahil hindi pa panahon o masyado pang sariwa ang sugat at sakit. Hindi naman sapilitan pero atleast kahit paunti-unti magbawas tayo ng galit sa puso natin. Iwas bad vibes lalo't magbabagong taon na. Tama na ang paghihimagsik ng ating mga damdamin. Halina't magkaisa na.


Sana May Pagtutulungan
Maging mapagbigay at matulungin lalo na sa mga nangangailangan ngayong darating na Pasko at maging sa araw-araw. Ang pagbabahagi ng ating mga biyayang natatanggap ay lubhang magpapaligaya sa ating Maykapal. Sabi nga nila, pag tumulong ka daw lalo na sa mga nangangailangan na bukal sa iyong kalooban, hindi lang yun taong yun ang natulungan mo kundi pati na rin ang iyong sarili.


Sana May Pag-asa
Nawa sa bawat pagsubok na dumarating sa ating buhay ay hindi tayo mawalan ng pag-asa. Hindi dumating sa puntong sumuko tayo ng dahil sa hindi na natin kayang lumaban pa. Bagkus patuloy na manalig sa Kanya sa kabila ng hirap at problema ay may munting pag-asa na ipagkakaloob Niya ang ating minimithi. Ngunit minsan kung hindi man ito sumakto sa anumang ating hinihingi, alalahanin pa rin nating marahil ito ang higit na makakabuti para sa atin.


_____________________________________________________

Iba't iba man ang ating paraan ng pagdiriwang ng Pasko, 
isa lang ang tiyak ko - Lahat tayo... MASAYA.



Ang pasko ay kay saya kung ika’y kapiling na
Sana pagsapit ng pasko, ika’y naririto
Kahit pa malayo ka, kahit nasaan ka pa
Maligayang bati para sa iyo sa araw ng Pasko...


Photo Credits


Maki-emote

ihayag ang nais sabihin ng iyong damdamin. (>‿◠)✌