Lahat tayo mawawalan. Hindi nga lang sabay sabay. May kanya kanyang panahon kung kailan kukunin sa atin yung akala natin...panghabambuhay.
Walang malas o swerte sa buhay. Bawat tao may kanya kanyang pinagdadaanan. Walang mayaman o mahirap, lahat may pakiramdam. Yung maranasan na magtagumpay at gayundin ang mabigo. Ang tumawa na parang wala ng bukas at ang umiyak na parang wala ng kinabukasan. Halos lahat nakakaramdam ng kaligayahan at lahat din nakakaramdam ng kalungkutan. Yung maiyak sa sobrang tuwa at yung maging manhid na sa sobrang sakit.
Pero anuman ang dinaranas ng bawat tao sa mundong ito, gaano pa man ito kabigat o kagaan, kasaya o kasakit, kahirap o kaginhawa — mawawala rin balang araw. Oo babawiin rin, dahil lahat may katapusan kahit pa anung gawin nating pagpigil. Katulad ng mga bagay gaano man natin higpitan ang hawak, kusang aalpas at mawawala sa atin. Minsan may mga bagay lang talaga na kahit ingatan pa, sadyang hindi nakalaan para magtagal. Hiram lang. Hindi nakatakda kung hanggang kailan para sayo. Hindi batid kung kailan yung expiry date. Parang bomba na lang na biglang sasabog sa harapan mo na its either magbigay ng bagong pag-asa o maging dahilan ng tuluyang pagkasawi. Pero hindi naman sabay sabay kinukuha ang mga yun.. May nauuna, may nahuhuli at mayroong ilang nakakaligtas pansamantala sa laro ng tadhana. Yung mga pagkakataong darating na isa-isang mawawala yung mahahalaga sa atin. Hanggang dumating sa punto na maramdaman na lang natin na may kulang na sa buhay natin. May nawawala. Masaya pero parang hindi naman talaga. Kumpleto na pero parang may dapat pang hanapin upang tuluyang mabuo. Na minsan dahil sa pride akala natin okay lang at kaya nating ihandle maibalik man o hindi hanggang sa pati yung ating sarili, maiwala na din natin.
Nakakabaliw at nakakamangha sa magkasabay na pagkakataon. Darating sa puntong kailangan na lang tanggapin kung bakit nagkaganun o di kaya'y labis ipagpasalamat dahil naging ganun. Maraming bagay sa mundo na mahirap intindihin kahit na madalas napakasimple lang naman. Tayo lang ang nagpapakumplikado ng lahat. Minsan kasi dahil sa tuwa o di kaya sa galit kaya napapasobra. Maaari ring dahil sa pansariling kagustuhan o labis na pagtutol kaya ipinagpipilitan, makamit lang yung inaasahang mangyari.
Sa huli, walang ibang tamang gawin kundi ang mabuhay ng patas. Kalimutan ang hindi na dapat alalahanin. Tanggapin ang bawat bagay ng walang reklamo at pagaalinlangan. Hanapin ang dapat hanapin. Ibalik ang kaya pang ibalik at hayaan na ang hindi na pwede. Subukang laging manalo sa pagsugal sa kapalaran. Magpasalamat sa lahat ng nakamtam at nawala na. At higit sa lahat,
harapin ang bawat bukas na parang yun na ang huling araw na darating.
"Balang araw mawawala ang lahat,
kahit pa yung pinakamaliit na bagay na dahilan
para mabuhay.."
kahit pa yung pinakamaliit na bagay na dahilan
para mabuhay.."
Maki-emote
ihayag ang nais sabihin ng iyong damdamin. (>‿◠)✌